Bloody weekend :S

Balitang gumimbal sa tahimik na gabi ng Kalye Apitong.

Linggo ng gabi, isang lalaki ang pasuray suray na napadaan sa Kalye ng Apitong, nakainom at wala sa kanyang matinong pagiisip nang walang habas na kumuha ng bote at ipinukol sa ulo ng lalaking nadaanan nya. Ang biktima umano ay kilalang tahimik at walang kibo sa lugar na ito. Napag alamang galing ito sa maghapong trabaho at pauwi na nang makasalubong ang salarin. Basag ang bote at nagkalat ang bubog sa kalsada. Hindi makagulapay ang biktima, habang hinihimas ang kanyang ulo.

Samantala dirediretso naglakad pauwi ang salarin na parang walang nangyari. Ang hindi batid ng lalaking ito, dali-daling umuwi sa kanilang bahay ang kanyang biktima at kumuha ng patalim. Ilang metro mula sa pinangyarihan ng unang engkwentro nagpangabot ang dalawa at muling nagkairingan. Hawak ng biktima ang patalim subalit malakas ang loob ng lalaking lasing at walang habas na nilibak ito. Pinaratangang duwag at bahagya pang iniaangat ang kanyang pang itaas na damit upang piliting saksakin siya nito. Nagdilim ang paningin ng biktima, buong lakas na iniangat ang kanang braso at ipinukol ang kutsilyo sa kaliwang bahagi ng tiyan ng lalaki. Bumagsak ang lalaki sa kalsada hawak ang kanyang tiyan, duguan at bahagya pa umanong lumabas ang bituka.

Di magkamayaw ang mga tao sa kalye, dali-daling binuhat at dinala sa ospital ang nakahandusay na lalaki subalit sa ospital na ito binawian ng buhay. May asawa ito at 3 anak. Samantala ang nakasaksak na may asawa rin at 4 anak ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad, habang ang bayaw nito na napagbintanggang sangkot sa patayan ay siyang dinakip at nakulong sa Camp Caringal.

Sa puntong ito, sino nga ba ang tunay na biktima at sino ang dapat usigin?

Comments

Popular Posts